Tuesday, July 10, 2007

PAGPAPAKATOTOO VS. PAGPAPAKATAO

Isa sa mga narinig ko last week na nakapagpataas ng aking kilay ay ang linyang “at least nagpakatotoo siya.”

Hindi ako nanonood ng Pinoy Big Bobo, ooops, Pinoy Big Bother pala, pero halos gabi-gabi naman ibinabalita ang walang kwentang issue tungkol kay Wendy. (hindi ako against kay wendy, against lang ako sa ginagawa ng ABS-CBN)

Hindi ko maintindihan kung bakit ipinagmamalaki ng ABS-CBN ang ‘pagpapakatotoo’ diumano ni Wendy. Gusto ba nilang sabihin na tama lang ang magpakatotoo kahit na tinatawag ka na ng buong Pilipinas na demonyo?!? Gusto ba nila ipakita na kaplastikan na lang ang pagpigil at pagkontrol sa sarili?!?

Mayroong isang estudyante na kasalukuyang kumukuha ng pagsusulit. Hindi niya alam ang sagot sa ilang mga katanungan. Binuksan niya ang kanyang kwaderno habang nakatalikod ang kanayang guro dahil gusto niyang makakuha ng mataas na iskor. Base sa prinsipyo ng pagpapakatotoo, tama lang ang ginawa niya??? Kung hindi niya binuksan ang kwaderno niya, PLASTIK siya???

Mayroon ulit isang estudyante. Kapos siya sa allowance niya. Hindi siya nagbayad ng pamasahe niya dahil gusto niyang gamitin ang pera pambili ng yosi. Base sa prinsipyo ng pagpapakatotoo, tama lang ang ginawa niya??? Kung nagbayad siya ng pamasahe, PLASTIK siya???

May isang nanay na naiinggit sa kanilang kapitbahay. Masarap ang pakiramdam niya kapag sinisiraan niya ang kapitbahay. Base sa prinsipyo ng pagpapakatotoo, tama lang ang ginagawa niya??? Kung ititigil niya ang paninira, PLASTIK siya???

May isang pulitiko. Gusto niyang magpatayo ng mansiyon at bumili ng bagong modelo ng kotse. Ginamit niya ang pondo sa pagpapatayo ng paaralan sa pagtustus sa kanyang mga luho. Base sa prinsipyo ng pagpapakatotoo, tama lang ang ginawa niya??? Kung hindi siya nangurakot, PLASTIK siya???

May isang tatay na niyayaya ng mga tambay na mag-inuman. Gusto naman niya kaya nakitungga na rin siya. Gabi na siyang umuwi at bawas na ang sweldo dahil ginamit pambili ng alak. Base sa prinsipyo ng pagpapakatotoo, tama lang ang ginawa niya??? Kung tumanggi siyang makipag-inuman, PLASTIK siya???

May isang lalaki at isang babae. May gusto sila sa isa’t isa pero pareho na silang may asawa. Dumating ang gabi na nagtanksil sila sa kani-kanilang asawa. Base sa prinsipyo ng pagpapakatotoo, tama lang ang ginawa nila??? Kung kinontrol nila ang kanilang emosyon, PLASTIK sila???

Sana itigil na natin ang paggamit ng katagang “MAGPAKATOTOO KA.” Hindi niyo ba napapansin na ginagamit ito kadalasan upang ipagawa sa isang tao ang isang bagay na medyo ayaw gawin ng isa?!

May isang lalaki na may gusto sa isang babae. “Pare lapitan mo na. May gusto ka sa kanya di ba? Magpakatotoo ka!”

Sa tuwing naririnig ko ang mga katagang “MAGPAKATOTOO KA”, parang ang naririnig ko ay “MAGPA-UTO KA!”

Sana itigil na natin ang pag-justify sa mga ka-demonyohan natin sa paggamit ng mga katagang “at least nagpakatotoo ako.” Pigilin o kontrolin na lang natin ang ating sarili sa paggawa ng mga hindi kaaya-ayang mga gawain. Ugaliin na lang nating isaalang-alang ang mga paniniwala at nararamdaman ng bawat isa. SA MADALING SALITA, “MAGPAKATAO KA!”

Sa media naman, maging responsible sana kayo sa pagbabalita at pagpapalabas ng kung anu-ano. Maraming tamad na tao katulad ko ang nagsasayang ng oras upang manood ng inyong mga walang kwentang palabas. Kaya sana naman, wag niyo kaming gawing tanga. Yun na lang educational o yung mga palabas na nagtuturo ng kabutihang asal. O baka naman kayo mismo ang tanga at may masamang asal… at gusto ninyong magparami ng mga katulad ninyo??? Nagtatanong lang po…

Sa ABS-CBN, buwisit kayo , buwisit, buwisit, buwisit!!!

Tuesday, July 3, 2007

Sa Maalikabok na Daan ng Cabuggao

Mababa na ang araw subalit mahapdi pa rin sa balat ang sinag nito. Pero sige lang, lakad lang. Mamaya makakarating din sa paroroonan.


Labindalawa? Sampu? Labinlima? Hindi ko na alam kung ilan kami. Hindi ko na binilang. Basta marami kami. Paano ko naman kasi mabibilang, napakagulo nila. Lahat gustong mapunta sa harapan. Lahat ayaw maalikabukan. Siguro ayaw na rin nilang madagdagan ng alikabok ang pawis at mga makakating bagay na nanggagaling sa maisang pumapalibot sa amin.


Naiinis na nga ako sa mga nasa unahan. Parang ang bibigat ng mga paa nila. Parang wala silang pakialam sa mga nasa likod nila. Parang hindi nila alam na nasa likod nila kami. Parang galit sila sa aming nasa likuran. Parang… parang… parang…


Patuloy ang aming paglakad…


Lakad…


Lakad. Naalala ko ang sinabi sa akin ng isang matangdang nakausap ko. Mas madalas pa raw pumatak ang pawis at luha dito sa Cabuggao kaysa ang ulan. Enero pa raw sila huling dinalaw ng ulan subalit ang pawis ay araw-araw at ang luha ay gabi-gabi. Buti na lang daw marunong silang pahirin ang mga pawis at luha dahil kung hindi ay matagal nang lubog sa baha ang Cabuggao.


“Hayaan po ninyo, ipagdarasal ko na matigil na ang ulan,” naalala koong sinabi ko matapos ang ilang sandali ng katahimikan na sumingit sa aming pag-uusap.


Nabigla siya sa aking nabanggit at sa unang pagkakataon ay nangusap siya sa aking mga mata. Bakas sa kanyang mga mata ang pinaghalong pagtatanong at pagdududa. Ang mga titig niya sa akin ay mga titig na nagtatanong. Pero hindi ko maintindihan ang kanyang nais malaman…


Dumaloy na lang ang kanyang mga luha sa tila parating pagod niyang mga mata at doon ko naintindihan ang kanyang nais ipahiwatig. Ang ilang patak ng luha niya ay sapat na upang maintindihan ko ang kanyang pagdaramdam…


Hinayaan ko na lamang ang katahimikan na sumingit muli sa aming pag-uusap. Ayaw ko nang magsalita pa. Wala naman akong maipapayo sa kanya. Mas kilala niya ang Cabuggao at lubos na mas marami siyang karanasan sa akin. Baka pagtawanan lang niya ako kung pinayuhan ko siya. Kaya hinayaan ko na lang ang luha ko ang tumugon sa kanya. Ang ilang patak na dumaloy sa aking mga mata ay sapat na upang maramdaman niya ang aking pakikiramay sa kanila…


Nag-uumpisa nang magbago ang kulay ng araw…


Saan na nga ba kami pupunta? Hindi ko na maalala… Sige lang sunod na lang nang sunod.


Puno na ng alikabok ang ilong ko at makati na rin ang balat ko kaya nakipag-unahan na rin ako papauntang unahan. Habang nilalampasan ko ang aking mga kasama, napansin ko ang kanilang mga mukha. May nakasuot ng mukhang masaya, mayroong sabik na sabik na makarating na sa aming paroroonan, mayroon ding pagod, naguguluhan, may walang pakialam at mayroon nang gustong bumalik sa aming tinutuluyan. Hindi ko na pinansin ang ibang mukha. Ang mahalaga sa akin ay mapunta sa unahan… kung saan walang nakakairitang alikabok.


Patuloy ang paglakad…


Lakad…


Sa wakas, nakarating din ako sa unahan.


Masarap dito sa unahan, walang alikabok ang nilalanghap mong hangin. Kaya lang, nakakatakot kasi hindi mo alam kung saan ang tamang daan…


Sa totoo lang, naguguluhan na ako. Hindi sa kung saan kami pupunta kundi sa laman ng isip ko ngayon. Ilang araw na kami sa Cabuggao pero ang pakiramdam ko ay wala ako dito. Palagi ko kasing iniisip kung ano ang nangyari sa closing ceremony ng mga kapatid ko.


Magtatapos na ng high school ang sumusunod sa akin. Sariwa pa sa aking isipan ang huli naming pagkikita bago ako umalis papuntang Cabuggao. Iniabot ko muna sa kanya ang aking regalo bago ako umalis. Wala siyang imik na inabot ang aking regalo pero ang laman ng kanyang maikling sulat ang umaalingawngaw sa aking tenga habang ako ay nasa bus.


“Kuya gusto kong malaman mo na hindi ako magdaramdam kahit na wala kang regalo sa akin basta nandoon ka lang makita ko kayo ni nanay at tatay na papalakpak sa akin pagkaabo ko ng diploma. Sapat na ang inyong palakpak upang ako ay maging lubos na masaya sa aking pagtatapos…”


Panglima naman ang aming bunso sa kanilang klase. Gusto niya na magakakasama kami sa pagsabit ng kanyang medalya kasi raw para sa amin talaga ang karangalan niyang makakamit. Nag-aral daw siyang mabuti para masama sa honor roll at pagbubutihan pa raw niya lalo sa mga susunod na taon para pagdating daw niya ng kolehiyo ay maging iskolar din siya ng UP katulad ko… Kahapon ang parangal pero wala ako doon para sa picture taking sana ng buong pamilya sa entablado. Nandito ako sa mainit at tigang na lugar na kung tawagin ay Cabuggao…nagpapakabayani.


Ano kaya ang sasabihin sa aking ng mga kapatid ko pag-uwi ko sa bahay. Ano kaya ang nangyari sa regalo ko sa kapatid ko. Ano kaya ang magiging epekto sa aming bunso ang hindi ko pagdalo sa araw ng kanilang parangal. Ano kaya…? Ano kaya…? Ano…? Ano…? Ano… ? Mga tanong na nanggugulo sa aking isipan. Parang ayaw ko nang umuwi… Pwede naman kasing pagkatapos na lang ng graduation ako pumunta dito sa Cabuggao.


Pero sa nila “you made a good decision Marvin.” Pero… hindi ko nararamdaman na I MADE A RIGHT DECISION!!!


Malapit nang humalik ang araw sa kabundukan pero wala pa rin kami sa aming paroroonan.


Hindi na ako napapagod sa paglalakad kundi sa paghihintay. May katapusan kaya itong maisan na nasa aming harapan? Sasabog na ang utak ko… gusto ko nang bumalik!!!


Pabagal na nang pabagal ang lakad ko. Wala na akong pakialam kung saan kami pupunta. Gusto ko mang bumalik ay hindi na maaari. Nandito na kami sa kung saan hindi na pwedeng bumalik. Malayo na kami at mas mahirap nang bumalik kaysa magsunod-sunuran na lamang.


Isa-isa na akong nauunahan ng aking mga kasama. Ako naman ang lumalanghap ng hangin na may halong alikabok. Hindi ko na nakita kung ilang na sila sa unahan ko. Hindi ko na sila makitang mabuti. Sinag ng araw na lumulusot na lamang sa mga alikabok ang aking nakikita. Maaninag ko man silang nasa harapan ko ay hindi ko rin sila makilala.


Patuloy ang paglakad…


Lakad…


Lakad. Halatang taga-lungsod ang aking mga kasama. Manghang mangha sila sa mga nakikitang kayumangging bundok, nanunuyot na kabukiran at naghihingalong maisan. Hindi pa raw sila nakakita ng ganitong kagandang lugar. Natawa na lang ako. Pero hindi malakas. Tumawa na lang ako sa loon ko. Hindi tawang masaya. Tawang naiinis. Bakit? HINDI KO ALAM!!!… Tumulo na lang ang luha ko…


Nakaupo na ang araw sa kabundukan. Malayo pa kaya kami sa aming patutunguhan? Sige lang, sunod lang.


Maya maya nangkaunti ay nagtakbuhan na ang mga nasa unahan. May mangilan-ngilan ding naiwan subalit mas mabilis na rin ang kanilang paglakad. May mga humahagibis na rin galing likuran. Sigawan na ang nangingibabaw. Sigaw ng pagkamangha, sigaw ng pagpupuri, sigaw ng pagod, sigaw siGAW, SIGAW. Iba-ibang sigaw. Hindi ko na napigilan sumigaw na rin ako…


Aaaaaaaaaaaaaa…..

Monday, July 2, 2007

Sino ang bakla?

Minsan may nagyaya sa akin na mag-inuman. Tumanggi ako kasi hindi naman talaga ako umiinom. Nagulat ako sa reaksiyon niya.


“Pare, bakla ka ba?”


Hindi ako makapaniwala sa katangahan niya. UP graduate pa naman siya. Sinagot ko na lamang ang kanyang tanong isa ring tanong.


“Pare baka ikaw ang bakla kasi ang mga kilala kong bakla ay malakas lumaklak ng alak.”


Sabi nila meron namang naitutulong ang alak sa katawan. Nakakatulong daw ito sa pagtunaw ng ating kinain. Pero diba karamihan ay umiinom na kahit hindi pa kumakain? Anong tutunawin mo dun? Bituka?!? At isa pa, wala pa akong narinig sa buong buhay ko na nagpasalamat sa pag-iinom niya ng alak dahil humaba ang buhay niya o di kaya nawala ang kanyang sakit dahil sa pag-inom ng alak. Ang mga naririnig ko lang ay mga taong nagsisisi dahil sinira ng alak ang kanilang kalusugan.


Malamang na tuwang-tuwa ang mga may-ari ng mga pagawaan ng alak sa pagiging lasenggo ng karamihang pinoy. Bawat iyak ng pamilya ng nabunggong lasing na drayber, bawat sigawan ng mga nagwawalang lasing na tambay sa kalsada, bawat iyak ng mga dalagitang ginagahasa ng mga lasing nilang tagahanga, bawat luha ng mga nanay ng mga estudyanteng di na pumapasok ng sa kanilang klase dahil mas pinipili pa ang makipag-inuman, bawat iyak ng mga batang nagugutom dahil ginastos ng ama ang kakarampot niyang sweldo sa pag-bili ng alak… ay may katumbas na kalansing ng pagpatak ng pera sa mga bulsa ng mga gumagawa ng alak. Napakapalad naman nila, ang pagdurusa ng karanihan nating mga Pilipino ang kanilang swerte.


Kasi daw sa mga pagtitipon ng mga lalaki, mga macho at totoong lalaki. Kailangan daw talaga ng alak. Isa sa mga dahilan ng pangangailangan ng alak ay para magkaroon daw ng lakas ng loob na masabi ang kanilang problema. Ngek! Bakit kailangan pa ng alak para lamang masabi ang mga dapat masabi? Hindi ba ang paggamit ng alak para pampalakas ng loob ay senyales ng pagiging duwag?!! Kung talagang lalaki ka ay masasabi mo ang mga dapat sabihin nang hindi lango sa alak. Isipin mo ito. Di ba mas simbolo pa nga ito ng katangahan kaysa ka-macho-han dahil pag lasing ka ay kung anu-anu na ang nasasabi mo…mga bagay na hindi dapat sabihin iba. Narinig niyo na ba ang kwento ng isang lasenggo sa aming lugar? Dahil sa sobrang kalasingan, nadulas siya sa pag-sasabi ng karanasan niya sa isang babae na asawa ng isa niyang kainuman. Kaya ayun, malamang kalansay na lamang siya sa sementeryo ngayon at yun namang nakasaksak sa kanya ay nataga muna ang asawa bago nadampot ng pulis.


Sa palagay ko, may kinalaman din ang pagiging inutil ng mga pulitiko at pulis natin sa pagiging lasenggo ng mga Pilipino. Hindi nakikita ng mga pinoy ang na ang sobrang pag-inom ng alak ay isang dahilan ng kahirapan at krimen dahil meron silang napagpapasahan ng sisi. Ang kahirapan, pagkagutom at krimen ay napagkakamalang na pangunahing gawa ng kapalpakan ng gobyerno at ng pulisya.


Kung ating pag-iisipan, mas marami ang nakikita kong masamang naidudulot ang alak kaysa mabuti. Kung pwede lang sana, ipagbawal na ang alak kung wala rin lang disiplina ang mga manginginom. Kung hindi man, asikasuhin muna ang mga responsibilidad bago makipag-inuman. At wag magpakabobo. So sana naman wala na akong maririnig na “Pare bakla ka ba?” kung tatanggi ako sa inuman dahil alam mo na ang sagot at alam mo na rin kung sino ang totoong bakla!!!

Monday, June 25, 2007

Dance of Death

I was born in the world full of truths to discover. Truths that are so important to know for us to survive, not only to preserve our life but to have a happy life… a life free from pain.


I started searching the moment I learn to think. I began searching for those small truths that my small hand can hold. Those simple principles that my young mind can understand. And in my searching, I met some friends.


Pleasure is one of my favorite friends. I trusted him more than my parents and even my conscience for he always make me feel good. But nothing beats my friend Vanity for he makes me feel better than any other creature.


One of the things that I appreciate from Pleasure and Vanity is the dance that they taught me. The dance made me experience the things that people usually don’t experience. It made me go beyond my boundaries and made me fly and soar the skies and the heavens. Together, we dance. Together we fly and soar the skies and the heavens. Together we went to places. Places like triumph, satisfaction, fame and wealth. I love that dance.


But one day, I had a bad landing…


I fell into this prison called sin. I was badly hurt. My heart was wounded and from it flowed something called guilt. This place is a dark place. I can see nothing but guilt… and it is drowning me. This place is also a cold place. It makes just crouch in a corner and preserve any heat that I can preserve so that I can live.


With the help of the experiences I made a candle out of my god works. I used to light my dark world. It somehow gave me warmth that magnified my courage to go out of my corner and do something to get out of this prison.


I discovered that I am not alone in this place. There’s a lot of us here. Millions of us. They also have candles and theirs are shining far brighter than mine. So I blow their candle whenever I saw that theirs are shining brighter than my candle. But, I stopped doing it when I realized that blowing their candles wont make mine shine brighter.


My chance of having freed from this prison increased when I saw someone outside in this world enjoying his freedom who was living in this dark world before. I have no idea how he came out of this prison but maybe he knows the way out.


My candle has been burned out. Anytime now the cold will bite me until I die and then darkness will swallow me until my existence will totally erased. Unless someone will take me out of this world. I’m DYING… Heeeeeeeelp…

PHILIPPINE SCHOOL OF DIRTY POLITICS

Baka ikaw na ang aming hinahanap!!! Heto na ang pagkakataon mong maging bagagi ng pinkamarumi at pinaka-unproductive na propesyon sa Pilipinas!!!


-Ikaw ba ay palaging nangungupit sa pitaka ng magulang mo noong bata ka pa?


- Ikaw ba ay magaling magsinungaling na sa sobrang galing ay pati ikaw napapaniwala sa kasinungalingan mo?


- Ikaw ba ay may kakayahan sa paninira sa mga kasama mo para lamang magmukhang ikaw ang pinakamagaling?


Kung oo ang lahat ng sagot mo, malaki ang potensyal mong maging susunod na ikakasuka at ikakasuklam ng bayan!!! Huwag sayangin ang talento mo!!! Mag-enroll sa PHILIIPPINE SCHOOL OF DIRTY POLITICS!!! (PSDP)


Courses offered:


AB MASS COMMUNICATION
-maging bihasa kung paano maging kapani-paniwala ang iyong mga akusasyon laban sa mga kaaway mo sa pulitika kahit na wala kang hawak na ebidebsiya. Malaki ang maitutulong nito sa career mo dahil malaki ang exposure na makukuha mo sa media!


BS CRIMINOLOGY
-maging bihasa sa pagtumba sa mga kalaban mo sa pulitika. Dual purpose ito dahil mawawalan ka na ng kalaban, makakatulong ka sa pagpigil sa lumolobong populasyon ng bansa.


BS ACCOUNTANCY
-maging bihasa sa pagbibilang ng mga nakukurakot mong pera na pinaghirapan ng iyong mga kababayan


BS NURSING
-maging bihasa kung paano aaalagaan ang mga uto-uto mong alagad para hindi ka nila iwan


AB HISTORY (major in Archaeology)
-maging bihasa sa pagkalkal ng mga nagawa mong mabuti noong nakaraang 100 years dahil wala kang nagawang kapaki-pakinabang nitong nagdaang mga taon.


AB THEATER ARTS (major in Hallucination)
-maging bihasa sa pag-arte na mahusay at magaling na pulitiko dahil ang mga ninuno mo ay mga dakila at iginagalang noong panahon ng mga Saber Tooth Tigers at mga Java Man


BS CIVIL ENGINEERING
-maging bihasa sa paggawa ng iba’t iibang klase ng istruktura ng mansion na popondohan ng mga jueteng lords na iyong pinangangalagaan at pinoprotektahan.


BS ELEMENTARY EDUCATION
-pagkakataon mong matapos ang elementary kasi Grade IV lang natapos mo




We also offer 6-months Courses


FINE ARTS
-maging bihasa sa paggawa ng mga pangit na posters at pagdikit ng mga ito sa mga ipinagbabawal na lugar. Makakatulong din ito sa unti-unting paggunaw ng mundo dahil sa polusyong dulot ng mga nagkalat mong posters. Makakatulong din ito sa mga taong gumagamit ng astringent kasi malalapnos na naturally ang kanilang mga balat dahil sa tindi ng GLOBAL WARMING!


CULINARY ARTS
-maging bihasa sa pagLUTO ng eleksiyon ayon sa iyong panlasa


ADVERTISING
-maging bihasa sa pagparusa sa mga tamad na tao na walang ginawa kundi magbabad sa TV sa pamamagitan ng pagpuno ng mga nakakasukang political advertisement mo sa mga paborito nilang palabas. Siguradong malaki rin ang matitipid ng bayan sa kuryente dahil tiyak na wawasakin nila ang kanilang mga TV kapag makita nila ang nakakainis mong mukha habang nangangako ng kung anu-ano pero di naman sinasabi kung paano tutuparin. Ikaw… suntok sa buwan, yung manonood… suntok sa TV! (Harharhar!)


SPEECHCRAFT
-maging bihasa sa pagiging clown at pambobola tuwing may political rallies. Sa ibang bansa ay apat na taon nila itong pinag-aaralan pero dahil marami ang bobo at madali lang maloko ang mga pinoy, anim na buwan ay pwede na sa pilipinas.




Wag magpahuli! Mag enroll na bago sumapit ang eleksiyon sa 2010!!!


Para sa inyong mga katanungan, tumawag lang sa Registrar’s Office sa numerong 0918-7213390 at hanapin si Hyperkulit.


(Magkakaroon ng entrance examination sa bawat kurso pero di naman kailangang ipasa para maka-enroll dahil hindi naman kailangan ang talino para maging pulitiko di ba?!)

Thursday, June 21, 2007

The Counterproductive Side of Media

isa sa aking mga napansin ay kulang tayo ng exposure ng mga leaders na role models. ilan sa mga di ko makakalimutang linya ay narinig ko sa isang nahuling magnanakaw sa aming baranggay ay "kung ipapakulong nila ako, ipakulong din nila si presidente arroyo at mga pulitiko natin nagnanakaw ng pera ng bayan..." Yung isa ay sa isang taong nagbalik ng bag na napulot niya, "kasi napanood ko sa TV yung nagbalik ng gamit ng foreigner binigyan ng maraming reward..."

...hindi ako sigurado kung may epekto sa magnanakaw ang naririnig niyang masasamang balita sa TV tungkol sa mga pulitiko natin pero obvious na may epekto ang napapanood/naririni g nating mga magagandang balita. bagamat reward ang motivation ng taong nagsauli ng bag, ang punto ko lang naman dito ay ginawa niya ang isang bagay dahil nakita niya eto na ginawa ng iba.

...so siguro kung pupunuin lang natin ang media ng mga magagandang bagay na dapat gawin at ipapakita ito sa paraang kapuripuri ang mga taong gumagawa nito, maeengganyo ang mga pilipino na sumunod... hindi yung puro na lamang rally... akusasyon na wala naman palang basehan (para lamang pag-usapan para sa exposure sa darating na election)... hiwalayan ng mga celebrity na wala naman tayong pakialam... bangayan ng mga laos na artistang nagpapapansin para lamang mapg-usapan. ..

...di ba kung puro na lang negative ang naririnig sa media mag-iinit ang ulo mo at isipin na lang umalis ng pilipinas hindi dahil sa wala kang pagmamahal sa bayan natin kundi dahil gusto mo iwasan na magising na lamang isang araw sa kulungan dahil minasaker mo ang lahat ng congressman, senator, presidente, ruffa and ylmaz (tama ba esfelling), mga militar, ralista etc...

...inaamin ko na isa ako sa mga nagrereklamo. ..kung nagagampanan ko ang mga tungkulin ko bilang isang mabuting mamamayan ay hindi ko masasagot... inaamin ko na hindi ako bumoto sa nakaraang eleksiyon dahil sa paniniwalang walang kandidato (lalo na sa mga senators) ang karapat dapat. ako ay naniniwalang hindi nasusukat ang kagalingan ng isang pulitiko sa galing niya sa pag-aakusa na hindi sinasabayan ng mga patunay. kayang kayang gawin eto ng kahit na sinong tsismosa sa aming baranggay... etc...

...sorry po napahaba na...basta eto lang masasabi ko... sana matigil na ang mga walang kwentang palabas na nagtututuro lamang ng kabobohan (sa mga adik sa TV alam niyo kung anong palabas yung mga tinutukoy ko)

Wearing Rugs





Paborito ko iyong sando. Kaya lang, ayaw siya ng nanay ko. Ayaw niyang isinusuot ko siya. Dahil, una, lumalabas ang mala-kalansay kong katawan. Pangalawa, at sa palagay ko ay ang pinakadahilan kung bakit siya nagwewelga palagi kapag suot ko siya ay dahil mahirap itong labhan. Tuwing umuuwi ako sa bahay at suot ko ito, halos iisa lang ang aking naririnig. Iba ibang bersyon ng "Saan ka na naman galing?!!! Tingnan mo nga iyang suot mo… para na namang basahan!!! Palibhasa hindi kayo ang naglalaba!!!" Lahat ng maisip mong paraan para sabihin ang mga katagang ito ay nagawa na ng nanay ko. Mula sa napakalumanay hanggang sa napakatahimik pero nagngangalit ang titig. Pero alam mo, oks lang sa akin iyon noon dahil nanay naman siya eh. Isa pa, naniniwala ako noon na ang Diyos ay binigyan ang lahat ng anak ng tig-isang nanay upang magdisiplina kapag sila ay sobrang tigas na ang ulo. Nilikha ang mga nanay upang pagalitan ang mga makukulit na anak. Pero dapat tig-isa lang. Hindi na dapat hihigit dun dahil siguradong away yan. Kaya normal lang na magalit ang mga nanay sa mga tulad kong iresponsable. PERO… ibang usapan na iyan kapag nandiyan na nanggagatong at sisingit sa eksena si NANAY ROBOT… ang aking ATE. "Ang tamad tamad pa. Wala nang ibang ginawa kundi manood ng TV at maglakwatsa. Uuwi na lang kapag kainan na." At bubungisngis na sa likod ni nanay pagkatapos bumelat kapag sinimulan na naman ang mahaba at paulit-ulit na sermon. Haaay… sarap sipain!!!

Bago ko ma-slander dito ang ate ko ay balik na tayo sa topic. Dahil super duper mega hyper tired to death na ang nanay ko, take note, hindi sa paglalaba kundi sa walang nangyayaring pangungunsensiya niya sa akin, gumawa siya ng paraan. Isang paraan na taong mas matalino kay Eistein lamang ang makakaisip… GINAWA NIYA ITONG BASAHAN!!!

Ako naman ay super duper mega hyper shock to death nang nakita kong ginagamit ni nanay na pamunas ng mesa yung aking precious sando. Hindi ako nag-aksaya ng panahon. Gumamit ako ng "Hyperspeed Technique" (Isang teknik na halos isang libong taon bago na-perfect ng mga sinaunang Intsik. Ginamit nila ito sa paghabol sa mga dayuhang tumutukso sa kanila na sila ay singkit.) para agawin sa kamay ng nanay ko ang aking mahal na sando. AT AKO AY NAGTAGUMPAY!!! Feeling ko, isa akong superhero na iniligtas ang isang naaapi sa kamay ng masamang elemento. (Gusto ko lang sabihin na may moral lesson ito… hindi ko kayo niloloko) At siyempre hindi dun nagtatapos ang papel ng superhero. Nagbigay ako ng nakakatindig balahibong "Super Taray Titig" (isa namang teknik mula kay Sandra Go… isa rin yatang Intsik =>) bilang panghuling tira sa kalaban. Dahil dun, na-freeze ang kalaban ng ilang segundo, sapat na upang maitakas ang biktima sa ligtas na lugar upang labhan. (aay… wala pa palang pangalan ang ating pinakabagong superhero noh??? Alam ko na… siya na lang si ‘SUPERCUTE’!!!)
Pagkatapos kong labhan ang biktima ay siyempre isinampay ko dahil yun naman ang pinakalogical na gawin. Kahit hindi ka superhero na katulad ko ay ganun din ang gagawin mo diba? Masaya ako dahil oks na ang biktima. Balik na ulit siya sa normal na buhay. Pero… yun ang akala ko… May malagim na plano pala ang kalaban!!!…

Pagdating ko ng bahay galing sa lugar kung saan ako, aking mga barkada at si Christopher Columbus pa lang ang nakakapunta, nagulat ako sa aking nakita. MAY LUMAPASTANGAN SA AKING PRECIOUS SANDO!!! BUTAS BUTAS NA SIYA!!!

(WARNING: The following texts are not suitable for very young audiences. Viewers discussion is advised.)

Sabi ko na nga ba, may planong maghiganti ang kalaban. Ako kasi… hindi ko na lang sana siya pinabayaan. Sana binantayan ko na lang siya… Pagbabayaran niya ang kanyang ginawang pabubutas sa sa aking mahal na sando.

Habang tumutulo ang luha ng kababawan, iniisip ng ating bida kung paano binutas ni nanay ang sando. Naisip niya na maaaring gumamit ng kutsilyo o gunting o pana o baril o baka naman Jedi Knight na si nanay at ginamit niya ang kanyang ‘lightsaber ‘ upang butasin ang sando.Nag-ala Anakin Skywalker siya siguro at walang awang pinagtutusok ang walang muwang na damit. Ang OA namang si ‘Supercute’ ay patuloy pa rin ang pagluha.

(Drama naman) Pumunta sa harap ng salamin ang ating bida. Dahan dahan niyang inalis ang suot na damit upang isuot ang butas-butas na sando. Umikot muna siya ng isang beses. Naaliw siya kaya umikot pa siya. At umikot pa ng ilang beses… Tapos sumigaw ng …DARNA!!! …at walang nangyari… gusto lang niyang umikot.

Iikot pa sana siyang muli kaya lang naramdaman niya na medyo nakakahilo. Isa pa na-realize niya na wala saysay ang kanyang pag-ikot sa kwentong isinusulat ko kaya itinigil na lang niya.
Huminga siya ng malalim at pinag-iisipan ang susunod na gagawin. Ako naman ay nagmamasid lang. Bored na ako actually sa paghihintay sa susunod niyang gagawin. Pakiramdam ko ay hindi siya nag-iisip. Kapag ako nainis.. tatapusin ko ang kwento dito… Tingnan lang natin kung hindi niya pagsisihan ang kabagalan ng kanyang pagkilos… (…ayan, isinuot na rin ang sando. Buti naman… Sarap magparinig noh?!)

Mababaw talaga ang ating bida. Umiiyak na naman. Pero ngayon, may mga salitang lumalabas na sa kanyang bibig. Gusto niyang isigaw ang kanyang sinasabi kaya lang hindi ko siya pinayagan dahil baka isipin ng readers na baliw ang aking bida. Ang kanyang sinasabi ay may kahalong galit… matinding galit. (Paano ko nalaman??! Ako yung bida dito, remember?!) Mga salitang punong puno ng emosyon. Mga salitang kayang basagin ang salamin sa kanyang harapan. Mga salitang naiipon sa dibdib at parang apoy na lumalabas. (Actually hindi ko maintindihan iyong sinasabi ng ating bida kaya inilalarawan ko na lang. Bulol kasi. Parang hilaw na Intsik na ewan…I-fast forward natin ng konti. Bored na talaga ako sa part na ito.)
Narinig niya na may parating. "Si Nanay!" sabi niya sa sarili nang marinig niya ang hinihintay sa pagsaway kay Jacky, ang aming aso, sa pagharang sa daan… Lumalakas ang kalabog sa kanyang dibdib. Para ring may koryenteng dumadaloy sa dulo ng kanyang daliri papuntang braso… papuntang leeg… papuntang ulo… Pinapawisan na rin ang kanyang mga paa na nakayapak sa sementong sahig. Sinubukan niyang humakbang papunta kay nanay. Pero parang napakabigat ng kanyang paa. Sinubukan niyang iangat ang kanyang kanang paa… pero ayaw sumunod… POOOOoooot! (ayun! Lumabas din. Kanina pa pala nauutot. Hmmp. Bantot!)
Wala na.. lokohan na ba??? O sige seryoso na. Promise!)

Parang napakalayo ng paglalakbay. Ang takot sa maaaring mangyari sa nalalapit na paghaharap namin ni nanay ang naging dahilan kung bakit parang sampung taon ang aking paglapit… Parang ayaw ko na siyang harapin… pero huli na. Nagtagpo na ang aming mga mata.
Tiningnan ako ni nanay pababa… at ibinalik ang titig sa aking mga mata. Nahiya ako kaya iniyuko ko ang aking ulo. Habang ibinababa ko ang aking ulo ay nadaanan ng aking sulyap ang mukha ni nanay. Tahimik siya ngunit ang ekspresyon ng kanyang mukha ay sumisigaw ng "Bakit suot mo pa rin iyan?!!"… Pakiramdam ko ay napakabigat na ng aking ulo sa ginawa kong kalokohan. Pinagsisisihan ko na kung bakit ko pa isinuot muli ang sando… Naghari ng ilang sandali ang katahimikan.

Sinubukan kong muling tingnan ang kanyang mukha. Dahan-dahan kong inaangat ang aking ulo… Nang magtagpo ang aming mga mata, kapansin pansin ang pagbago ng ekspresyon ng kanyang mukha, mula sa napakatigas na punong–puno ng galit patungong naaawa at naluluhang mata… at siya ay tumalikod… at sabi ko sa sarili "YESSSS!!!"
Tuwang tuwa ako sa pagtalikod ni nanay dahil ibig sabihin ay ako ang panalo. Kahit hindi ko nagamit ang mga ikinabisa kong mga script kanina sa harap ng salamin ay ako pa rin ang nagtagumpay… Sori na lang siya. Nanay siya eh. Wala siyang magagawa. Tama man o mali ako, kailangan niya akong pagbigyan. Nanay nga siya eh. At kasalanan niya… bakit kasi mahal niya ako…

…Akala ko ako na ang panalo pero naiba ang takbo ng kwento sa mga sumunod na nangyari… Akala ko, ang pagtalikod ni nanay ay ang kanyang pagsuko niya sa aming laban. …Nagkamali ako. Tumalikod siya para kunin pala ang kanyang "secret weapon" na binili pa niya sa palengke. Pagharap niya sa akin ay kanyang iniabot ang isang supot. Pero ayaw ko na itong buksan nang nasalat ng aking kamay ang laman nitong damit… ako naman ang tumalikod… AKO ANG TALO!!!

…Ilang taon na ang nakalilipas, ipinaparinig pa rin ng aking alaala ang mga katagang "Bakit suot mo na naman iyan?!!!" May mga panahon na umaalingawngaw ito sa aking isipan at gusto kong iumpog ang aking ulo sa pader sa mga panahong ito. Ang magandang katapusan kasi ng kwento ay dinugtungan ko ng isang bangungot…

…Hindi ko tinanggap ang aking pagkatalo. Pakiramdam ko ay dinaya ako. Kung paano ako dinaya ay hindi ko alam… Basta gusto ko lang isipin na dinaya ako… Nang tumalikod ako, hindi ko nga binuksan ang supot. Inilagay ko ito sa aming aparador at taas noong lumabas ng bahay, suot pa rin ang butas butas na sando. At pag-uwi ko sa bahay, ang mga salitang "Bakit suot mo pa rin iyan?!!!" ang sumalubong sa akin…

Ayaw ko nang ikuwento pa ang mga sumunod na nangyari. Gusto ko itong kalimutan noon pa man pero ayaw akong lubayan ng aking alaala. May mga gabing umaalingawngaw ang mga katagang "Bakit suot mo na naman iyan?!!!" Kahit anong gawin kong pagtakip ng tenga ay patuloy ko pa rin itong naririnig dahil nanggagaling ito sa taguan ko ng galit sa isang sulok ng aking alaala. Isa lamang siyang maliit na kahon pero ang amoy na nanggagaling dito ay palaging nilalason ang aking katahimikan… Gusto ko na siyang tapusin … pero hindi ko alam kung paano…

Ilang taon muli ang nakalipas. Sa wakas natapos na ang kwento. Hindi itong kalokohang kwento kundi iyong "kwento". Ayoko nang gawing madetalye pa kasi ayaw ko ng telenobela. Basta… natapos ito noong pinakinggan kong mabuti ang mga katagang "Bakit mo na naman suot iyan?!!!" Isinulat ko ito sa papel at noon ko nalaman ang gustong sabihin ng nanay ko. Nandilat ang mga mata kong di pantay sa nakitang pagkakabaybay ng salitang ‘IYAN’: P-R-I-D-E !!!
Hindi ko na pinatagal ang kwento. Hinubad ko ang aking ‘sando’ at kinausap ko ang aking nanay… at isinuot ko ang bigay niyang damit na hindi mabibili sa kahit na saang palengke, ang kanyang mainit na yakap!