Tuesday, July 10, 2007

PAGPAPAKATOTOO VS. PAGPAPAKATAO

Isa sa mga narinig ko last week na nakapagpataas ng aking kilay ay ang linyang “at least nagpakatotoo siya.”

Hindi ako nanonood ng Pinoy Big Bobo, ooops, Pinoy Big Bother pala, pero halos gabi-gabi naman ibinabalita ang walang kwentang issue tungkol kay Wendy. (hindi ako against kay wendy, against lang ako sa ginagawa ng ABS-CBN)

Hindi ko maintindihan kung bakit ipinagmamalaki ng ABS-CBN ang ‘pagpapakatotoo’ diumano ni Wendy. Gusto ba nilang sabihin na tama lang ang magpakatotoo kahit na tinatawag ka na ng buong Pilipinas na demonyo?!? Gusto ba nila ipakita na kaplastikan na lang ang pagpigil at pagkontrol sa sarili?!?

Mayroong isang estudyante na kasalukuyang kumukuha ng pagsusulit. Hindi niya alam ang sagot sa ilang mga katanungan. Binuksan niya ang kanyang kwaderno habang nakatalikod ang kanayang guro dahil gusto niyang makakuha ng mataas na iskor. Base sa prinsipyo ng pagpapakatotoo, tama lang ang ginawa niya??? Kung hindi niya binuksan ang kwaderno niya, PLASTIK siya???

Mayroon ulit isang estudyante. Kapos siya sa allowance niya. Hindi siya nagbayad ng pamasahe niya dahil gusto niyang gamitin ang pera pambili ng yosi. Base sa prinsipyo ng pagpapakatotoo, tama lang ang ginawa niya??? Kung nagbayad siya ng pamasahe, PLASTIK siya???

May isang nanay na naiinggit sa kanilang kapitbahay. Masarap ang pakiramdam niya kapag sinisiraan niya ang kapitbahay. Base sa prinsipyo ng pagpapakatotoo, tama lang ang ginagawa niya??? Kung ititigil niya ang paninira, PLASTIK siya???

May isang pulitiko. Gusto niyang magpatayo ng mansiyon at bumili ng bagong modelo ng kotse. Ginamit niya ang pondo sa pagpapatayo ng paaralan sa pagtustus sa kanyang mga luho. Base sa prinsipyo ng pagpapakatotoo, tama lang ang ginawa niya??? Kung hindi siya nangurakot, PLASTIK siya???

May isang tatay na niyayaya ng mga tambay na mag-inuman. Gusto naman niya kaya nakitungga na rin siya. Gabi na siyang umuwi at bawas na ang sweldo dahil ginamit pambili ng alak. Base sa prinsipyo ng pagpapakatotoo, tama lang ang ginawa niya??? Kung tumanggi siyang makipag-inuman, PLASTIK siya???

May isang lalaki at isang babae. May gusto sila sa isa’t isa pero pareho na silang may asawa. Dumating ang gabi na nagtanksil sila sa kani-kanilang asawa. Base sa prinsipyo ng pagpapakatotoo, tama lang ang ginawa nila??? Kung kinontrol nila ang kanilang emosyon, PLASTIK sila???

Sana itigil na natin ang paggamit ng katagang “MAGPAKATOTOO KA.” Hindi niyo ba napapansin na ginagamit ito kadalasan upang ipagawa sa isang tao ang isang bagay na medyo ayaw gawin ng isa?!

May isang lalaki na may gusto sa isang babae. “Pare lapitan mo na. May gusto ka sa kanya di ba? Magpakatotoo ka!”

Sa tuwing naririnig ko ang mga katagang “MAGPAKATOTOO KA”, parang ang naririnig ko ay “MAGPA-UTO KA!”

Sana itigil na natin ang pag-justify sa mga ka-demonyohan natin sa paggamit ng mga katagang “at least nagpakatotoo ako.” Pigilin o kontrolin na lang natin ang ating sarili sa paggawa ng mga hindi kaaya-ayang mga gawain. Ugaliin na lang nating isaalang-alang ang mga paniniwala at nararamdaman ng bawat isa. SA MADALING SALITA, “MAGPAKATAO KA!”

Sa media naman, maging responsible sana kayo sa pagbabalita at pagpapalabas ng kung anu-ano. Maraming tamad na tao katulad ko ang nagsasayang ng oras upang manood ng inyong mga walang kwentang palabas. Kaya sana naman, wag niyo kaming gawing tanga. Yun na lang educational o yung mga palabas na nagtuturo ng kabutihang asal. O baka naman kayo mismo ang tanga at may masamang asal… at gusto ninyong magparami ng mga katulad ninyo??? Nagtatanong lang po…

Sa ABS-CBN, buwisit kayo , buwisit, buwisit, buwisit!!!

No comments:

Post a Comment