Tuesday, July 3, 2007

Sa Maalikabok na Daan ng Cabuggao

Mababa na ang araw subalit mahapdi pa rin sa balat ang sinag nito. Pero sige lang, lakad lang. Mamaya makakarating din sa paroroonan.


Labindalawa? Sampu? Labinlima? Hindi ko na alam kung ilan kami. Hindi ko na binilang. Basta marami kami. Paano ko naman kasi mabibilang, napakagulo nila. Lahat gustong mapunta sa harapan. Lahat ayaw maalikabukan. Siguro ayaw na rin nilang madagdagan ng alikabok ang pawis at mga makakating bagay na nanggagaling sa maisang pumapalibot sa amin.


Naiinis na nga ako sa mga nasa unahan. Parang ang bibigat ng mga paa nila. Parang wala silang pakialam sa mga nasa likod nila. Parang hindi nila alam na nasa likod nila kami. Parang galit sila sa aming nasa likuran. Parang… parang… parang…


Patuloy ang aming paglakad…


Lakad…


Lakad. Naalala ko ang sinabi sa akin ng isang matangdang nakausap ko. Mas madalas pa raw pumatak ang pawis at luha dito sa Cabuggao kaysa ang ulan. Enero pa raw sila huling dinalaw ng ulan subalit ang pawis ay araw-araw at ang luha ay gabi-gabi. Buti na lang daw marunong silang pahirin ang mga pawis at luha dahil kung hindi ay matagal nang lubog sa baha ang Cabuggao.


“Hayaan po ninyo, ipagdarasal ko na matigil na ang ulan,” naalala koong sinabi ko matapos ang ilang sandali ng katahimikan na sumingit sa aming pag-uusap.


Nabigla siya sa aking nabanggit at sa unang pagkakataon ay nangusap siya sa aking mga mata. Bakas sa kanyang mga mata ang pinaghalong pagtatanong at pagdududa. Ang mga titig niya sa akin ay mga titig na nagtatanong. Pero hindi ko maintindihan ang kanyang nais malaman…


Dumaloy na lang ang kanyang mga luha sa tila parating pagod niyang mga mata at doon ko naintindihan ang kanyang nais ipahiwatig. Ang ilang patak ng luha niya ay sapat na upang maintindihan ko ang kanyang pagdaramdam…


Hinayaan ko na lamang ang katahimikan na sumingit muli sa aming pag-uusap. Ayaw ko nang magsalita pa. Wala naman akong maipapayo sa kanya. Mas kilala niya ang Cabuggao at lubos na mas marami siyang karanasan sa akin. Baka pagtawanan lang niya ako kung pinayuhan ko siya. Kaya hinayaan ko na lang ang luha ko ang tumugon sa kanya. Ang ilang patak na dumaloy sa aking mga mata ay sapat na upang maramdaman niya ang aking pakikiramay sa kanila…


Nag-uumpisa nang magbago ang kulay ng araw…


Saan na nga ba kami pupunta? Hindi ko na maalala… Sige lang sunod na lang nang sunod.


Puno na ng alikabok ang ilong ko at makati na rin ang balat ko kaya nakipag-unahan na rin ako papauntang unahan. Habang nilalampasan ko ang aking mga kasama, napansin ko ang kanilang mga mukha. May nakasuot ng mukhang masaya, mayroong sabik na sabik na makarating na sa aming paroroonan, mayroon ding pagod, naguguluhan, may walang pakialam at mayroon nang gustong bumalik sa aming tinutuluyan. Hindi ko na pinansin ang ibang mukha. Ang mahalaga sa akin ay mapunta sa unahan… kung saan walang nakakairitang alikabok.


Patuloy ang paglakad…


Lakad…


Sa wakas, nakarating din ako sa unahan.


Masarap dito sa unahan, walang alikabok ang nilalanghap mong hangin. Kaya lang, nakakatakot kasi hindi mo alam kung saan ang tamang daan…


Sa totoo lang, naguguluhan na ako. Hindi sa kung saan kami pupunta kundi sa laman ng isip ko ngayon. Ilang araw na kami sa Cabuggao pero ang pakiramdam ko ay wala ako dito. Palagi ko kasing iniisip kung ano ang nangyari sa closing ceremony ng mga kapatid ko.


Magtatapos na ng high school ang sumusunod sa akin. Sariwa pa sa aking isipan ang huli naming pagkikita bago ako umalis papuntang Cabuggao. Iniabot ko muna sa kanya ang aking regalo bago ako umalis. Wala siyang imik na inabot ang aking regalo pero ang laman ng kanyang maikling sulat ang umaalingawngaw sa aking tenga habang ako ay nasa bus.


“Kuya gusto kong malaman mo na hindi ako magdaramdam kahit na wala kang regalo sa akin basta nandoon ka lang makita ko kayo ni nanay at tatay na papalakpak sa akin pagkaabo ko ng diploma. Sapat na ang inyong palakpak upang ako ay maging lubos na masaya sa aking pagtatapos…”


Panglima naman ang aming bunso sa kanilang klase. Gusto niya na magakakasama kami sa pagsabit ng kanyang medalya kasi raw para sa amin talaga ang karangalan niyang makakamit. Nag-aral daw siyang mabuti para masama sa honor roll at pagbubutihan pa raw niya lalo sa mga susunod na taon para pagdating daw niya ng kolehiyo ay maging iskolar din siya ng UP katulad ko… Kahapon ang parangal pero wala ako doon para sa picture taking sana ng buong pamilya sa entablado. Nandito ako sa mainit at tigang na lugar na kung tawagin ay Cabuggao…nagpapakabayani.


Ano kaya ang sasabihin sa aking ng mga kapatid ko pag-uwi ko sa bahay. Ano kaya ang nangyari sa regalo ko sa kapatid ko. Ano kaya ang magiging epekto sa aming bunso ang hindi ko pagdalo sa araw ng kanilang parangal. Ano kaya…? Ano kaya…? Ano…? Ano…? Ano… ? Mga tanong na nanggugulo sa aking isipan. Parang ayaw ko nang umuwi… Pwede naman kasing pagkatapos na lang ng graduation ako pumunta dito sa Cabuggao.


Pero sa nila “you made a good decision Marvin.” Pero… hindi ko nararamdaman na I MADE A RIGHT DECISION!!!


Malapit nang humalik ang araw sa kabundukan pero wala pa rin kami sa aming paroroonan.


Hindi na ako napapagod sa paglalakad kundi sa paghihintay. May katapusan kaya itong maisan na nasa aming harapan? Sasabog na ang utak ko… gusto ko nang bumalik!!!


Pabagal na nang pabagal ang lakad ko. Wala na akong pakialam kung saan kami pupunta. Gusto ko mang bumalik ay hindi na maaari. Nandito na kami sa kung saan hindi na pwedeng bumalik. Malayo na kami at mas mahirap nang bumalik kaysa magsunod-sunuran na lamang.


Isa-isa na akong nauunahan ng aking mga kasama. Ako naman ang lumalanghap ng hangin na may halong alikabok. Hindi ko na nakita kung ilang na sila sa unahan ko. Hindi ko na sila makitang mabuti. Sinag ng araw na lumulusot na lamang sa mga alikabok ang aking nakikita. Maaninag ko man silang nasa harapan ko ay hindi ko rin sila makilala.


Patuloy ang paglakad…


Lakad…


Lakad. Halatang taga-lungsod ang aking mga kasama. Manghang mangha sila sa mga nakikitang kayumangging bundok, nanunuyot na kabukiran at naghihingalong maisan. Hindi pa raw sila nakakita ng ganitong kagandang lugar. Natawa na lang ako. Pero hindi malakas. Tumawa na lang ako sa loon ko. Hindi tawang masaya. Tawang naiinis. Bakit? HINDI KO ALAM!!!… Tumulo na lang ang luha ko…


Nakaupo na ang araw sa kabundukan. Malayo pa kaya kami sa aming patutunguhan? Sige lang, sunod lang.


Maya maya nangkaunti ay nagtakbuhan na ang mga nasa unahan. May mangilan-ngilan ding naiwan subalit mas mabilis na rin ang kanilang paglakad. May mga humahagibis na rin galing likuran. Sigawan na ang nangingibabaw. Sigaw ng pagkamangha, sigaw ng pagpupuri, sigaw ng pagod, sigaw siGAW, SIGAW. Iba-ibang sigaw. Hindi ko na napigilan sumigaw na rin ako…


Aaaaaaaaaaaaaa…..

No comments:

Post a Comment