Saturday, October 13, 2012

Signs


SIGNS        

“Hi miss! May kasama ka ba?” tanung ko sa dalagang nag-iisa sa pang apat na mesa habang hawak ko ang isang tray ng burger meal ng Jollibee.

Ngumiti lang ang dalaga.

Tiningnan ko ang nasa mesa niya. May isang pie at dalawang sundae. Meron din isang plastic ng grocery sa upuan na nasa tapat niya. May kasama nga siya.

Ibinaling ko ang tingin sa ibang mga mesa sa pag-asang makakakita ng bakante. Subalit wala ako nakita. Ibinalik ko ang tingin sa dalaga at nakiusap na makisalo muna ako sa mesa niya.

“Bibilisan ko naman ang pagkain. Wala lang talagang bakante na mesa. Kung dumating na ang boyfriend mo, aalis din ako agad.”

Ngumiti ulit siya. Pero ngayon, tumango siya habang nakatingin sa akin na sa tingin ko ay pumayag na siya.

“Fries gusto mo?” tanung ko agad sa dalaga pagkaupo. Kumuha siya ng isa at isinubo na walang ketsup. Hindi siya mahiyain sabi ko sa sarili ko. Malamang ay ayaw lang niya ako sa table niya kaya di siya umiimik.

Kanina pa siya nakatingin sa kanyang cellphone na nakapatong sa mesa. Malamang kanina pa niya inaabangan ang boyfriend niya. Natutunaw na ang dalawang sundae at malamang na padating na yun.

“Dahan dahan lang.”

“Baka kasi malapit na boyfriend mo.”

“Wala ako boyfriend.”

“Baka malapit na girlfriend mo.”

Tumaas kilay niya.

“Baka malapit na yung kasama mo kakain.”

“Paano mo naman nasabi na may kasama ako?”

Itinuro ko ang dalawang sundae.

Ibinigay niya ang isang sundae sa isang bata sa katabing mesa.

“Ah sila pala kasama mo,” sabi ko habang pinagmamasdan ang pamilya ng batang pinagbigyan niya ng sundae.

“Di ko sila kilala,” sabi ng dalaga at binuksan ang isang pie.

“Bakit mo binigay kung di mo sila kilala?”

“Para di mo isipin na may kasama ako.”

“Iisipin ko pa rin na may kasama ka kasi meron pa natitirang sundae.”

“Sa iyo na ‘yan. Di ko naman inaasahan na darating kasama ko,” sabi niyang nakangiti habang nilapit ang sundae sa akin.

“Bakit mo pa rin hinihintay kung alam mo naman na hindi siya darating?”

“Kasi di lang siya hinihintay ko.”

“Sabi mo kanina, di mo na inaasahan darating ang kasama mo. Ibig sabihin, kahit gaano man sila karami wala ka na hihintayin.”

“Meron pa rin. Dumating na nga eh,” nakangiting tugon niya sa sinabi ko.

“Miss, ayaw kong maging assuming pero ako ba binabanggit mo?”

“Hindi rin ako sigurado pero sa palagay ko ikaw nga.”

“Hinihintay mo ako pero ngayon lang tayo nagkita. Hindi ko nga alam pangalan mo eh.”

“Alam kong ikaw si Bryce.”

“Ano ang apelyido ko miss two hundred eight?” tanung ko habang inaalis ang ID kong suot.

“Nakita ko na kanina pa bago mo pa tanggalin ang ID mo. Bakit tinawag mo ako na two hundred eight?”

“Hindi kasi kita kilala. Wala ka naman ID na suot. Nakita ko lang resibo mo sa groceries. Two hundred eight pesos.”

“Juli tawag sa akin ng friends ko.”

“Ano?”

“Juli Baker.”

“Ah. Teka bakit mo nasabi na hinihintay mo ako? Ang weird mo.”

“Kasi nagdasal ako kanina sa simbahan at may hiniling sa Diyos. Kung hindi ako siputin ng ex-boyfriend ko, sana may dumating na kapalit niya.”

“Hindi ako naniniwala sa ganyan. Naniniwala ako sa Diyos pero di ako naniniwala sa paghahanap ng mapapangasawa sa ganyang paraan.” Nakakunot na noo ko.

“Hindi mo naman kailangan maniwala Mr. Sungit. Lahat naman ng mag-asawa ay mayroon pagkakataon kung saan sila unang nagkita di ba? Isipin mo na lang aksidente tayo nagkita. Mas comfortable ka siguro doon.”

“Ang weird niyong mga babae. Iyong ex-girlfriend ko, palatandaan niya daw kung hindi ko daw siya sunduin sa bus terminal, hindi daw ako ang soulmate niya. Tama ba naman yun na magbreak kami dahil lang sa may trabaho ako at di ko siya masundo? Pwede ba baguhin niyo na ugali ninyong umaasa sa mga signs.”

“Mr. Sungit, ayaw kong makipagtalo pero gusto ko lang sabihin sa iyo yung posibleng dahilan ng ex-girlfriend mo. Di mo siya sinundo kaya ibig sabihin hindi siya priority mo. At naisip niya siguro na kung mag-asawa na kayo, mas priority mo trabaho mo kaysa pamilya mo at malamang ayaw niya ng ganun.”

“Miss Congeniality, maaaring tama ka pero ano naman dahilan ng paghingi mo ng sign mo? Gusto mo ng mapapangasawa na makapal ang mukha at kayang humingi ng sundae sa isang hindi kilala para di magutom pamilya mo?” nakangiti kong sabi.

“Mr. Sungit, hindi mo hiningi ang sundae. Binigay ko yan sa iyo.”

“Miss Congeniality, hindi mo pa rin sinasagot tanong ko.”

“Mr. Sungit, bakit ko pa sasagutin kung di ka rin lang naniniwala sa signs?”

“Miss Congeniality, sabihin mo na lang sa akin kung bakit ka naniniwala sa mga signs.”

“Hindi na ako naniniwala sa signs. Kanina naniniwala ako. Pero nung nakita ko na ikaw yung tugon sa signs na hinihiling ko, hindi na ako naniniwala. At ako na lang sana kumain ng sundae.”

“Sige para hindi masama ang loob mo. Palitan ko sundae mo.”

“Thank you na lang. Paalis na ako. Goodbye Mr. Sungit.”

“Bukas ko papalitan sundae mo Miss Congeniality. Ganito ring oras dito rin sa Jollibee.”

“Hindi kita sisiputin.”

“Hindi importe kung sisipot ka o hindi. Hintayin ko na lang kung sino ang makikitabi sa akin.”

“Wala kang originality. Goodbye.”

“As if ikaw ang may original idea ng sign mo. Plagiarism ginagawa mo!”

“Who cares? See you tomorrow.”

“Akala ko ba di mo ako sisiputin?”

“Pinapaasa lang kita.”

“Salamat sa sundae. Goodbye.”


Si Juli ang iniisip ko sa bus at bago ako matulog. Hindi ako nagandahan sa kanya nung una ko siya nakita pero noong ngumiti na siya, nasabi ko sa sarili ko na maraming maiinggit sa aking lalaki kapag kasama ko siya. Isa pa, napakabait niya. Kahit suplado na ako na nakikipag-usap sa kanya, malumanay at nakangiti pa rin siyang nakikipag-usap sa akin. Natulog ako na punong-puno ng pag-asang makikita ko ulit siya bukas.

Kinabukasan, maaga akong nagpunta sa Jollibee at nag-order ng dalawang pie, dalawang fries at dalawang sundae. Hindi pa gaano katagalan ang pagkakaupo ko, may dalawang babae na agad na nagtanong kung pwede siya makisalo sa mesa. Pero wala sa kanila si Juli. Pumayag na rin ako. Iniisip ko na matatapos na rin sila kumain bago siya dumating kasi maaga pa naman.

Habang kumakain ang dalawang babae, napaisip ako kung nagkataon lang na ako ang unang nakisalo sa mesa ni Juli kahapon, o baka naman marami nang nauna na nakisalo sa kanya kaysa sa akin. O baka naman matagal na niya ginagawa iyon at di siya sinipot ng kausap niya noong isang araw at paulit ulit lang niyang ginagawa ang pag-hihintay, sa iba ibang ibang lugar. O baka naman trip lang niya ang paghihintay at niloloko lang niya ako tungkol sa mga signs?

Makaraan ng ilang minuto, nakita ko na siya papasok ng Jollibee.

“Akala ko ba di mo ako sisiputin?”Pambungad kong tanung sa kanya.

“At sinong may sabi na sinisipot kita? Every afternoon, dumadaan ako dito para magmeryenda. Pero dahil may utang kang sundae, kakainin ko pa rin iyan kahit tunaw na basta alukin mo muna ako.”

“Hindi yan para sa iyo. Para yan sa soulmate ko.”

“Mr. Sungit, akala ko ba papalitan mo ngaun yung sundae na kinain mo kahapon?”

“Miss Congeniality, akala ko kasi hindi mo ako sisiputin.”

“Mr. Sungit, andito na ako.”

“Ok take your seat.”

“Thank you.”

2 comments: